Kinumpirma ni dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor na tatakbo sa pagkapangulo si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa 2028 kapag na-convict si Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court.
Inihayag ito ni Defensor sa panayam sa programang “Politiko Nightly” ng Bilyonaryo News Channel matapos ihayag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na si Mayor Baste ang “plan B” para kay VP Sara.
“Hindi na kailangang hulaan ‘yun. Talagang si Mayor Baste ay nandiyan, kasama namin. Kung kanilang aalisin si VP Inday Sara ay kakandidato ‘to. Ikakandidato namin ‘to,” ani Defensor.
“Kung titignan nyo naman, malinaw may tindig ‘to, may pananalita at may paninindigan,” dagdag pa niya.
Ayon sa kanya, handa si Baste bilang “Plan B” ng kampo ng Duterte at patuloy nilang lalabanan ang impeachment dahil sa kakulangan umano ng ebidensya.
“Kung… ang paniwala nila matatanggal nila ang isang Duterte sa laban, nagkakamali sila,” giit nito. “Dahil mayroong Baste Duterte na maaaring tumindig para sa pamilya at para sa sambayanan.”
Inilarawan din niya si Baste na may kakayahan sa pamumuno nang magsalita din ito nang ilunsad ang Reform Alliance for Good Governance (RAGE) Coalition, na aniya’y kahalintulad ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Sabi kasi ng emcee pumikit kayo, pakinggan niyo. Pero ako, tinitignan ko siya, pati ‘yung kanyang hand gesture, kung papaano siya magsalita, para talagang si Pangulong Duterte,” kuwento ni Defensor.
“Nakita ko rin siya sa isa o dalawang meeting, magaling si Mayor Baste. Siguro nahubog na rin ng mga pangyayari at syempre exposed naman siya sa kanyang ama, exposed naman siya sa kanyang kapatid, at alam niya kung papaano magpatakbo ng isang organisasyon at alam niya kung papaano makibahagi at makipag-usap sa mga tao,” aniya pa.
Trending
- Malnutrition sa mga bata pipigilan ng NEDAC
- Madriaga ‘di na ipapatawag ng Kamara
- ‘Di pagpapamartsa sa graduation dahil may utang ipagbawal
- Toll discount sa mga pribadong sasakyan iminungkahi
- Defensor kinumpirmang ‘plan B’ si Baste Duterte sa 2028 elections
- Suplay ng langis extended sa 64 araw
- Price cap sa imported na bigas ngayon Abril
- Jake Paul balik sa boxing

