Mahigpit na nagbabantay ang mga pulis at sundalo sa posibleng pagganti ng mga natitirang miyembro ng nabuwag ng Dawlah Islamiya kasunod ng pagkamatay ng isa nilang kasamahan, isang bigtime marijuana at shabu dealer, sa engkuwentro sa mga pulis noong Sabado.
Ang nasawing miyembro ng Dawlah Islamiya na si Abubakar Mursid Salazar, leader ng grupo ng mahigit 10 dealers ng shabu at marijuana na nag-o-operate sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur at sa mga kalapit na bayan sa lalawigan.
Ayon sa mga residente ng Shariff Aguak at mga kaanak ni Salazar, nagbibigay siya at ang kanyang mga kasaman ng parte ng kanilang kinikita sa mga illegal na gawain sa mga natitirang lider ng Dawlah Islamiya, isang teroristang grupo na sangkot sa mga pambobomba sa mga bus at commercial establishment sa Central Mindanao, mula 2015 hanggang 2020, matapos tumanggi ang mga may-ari na regular na magbigay ng “protection money.”
Sa mga hiwalay na ulat nitong Lunes ni Capt. Steffie Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, at ng mga opisyal ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, isinagawa ng mga hindi unipormadong mga pulis ang entrapment operation na target si Salazar, ngunit nauwi ito sa palitan putok ng siya ay pumalag, bumunot ng .45 caliber pistol at nagpaputok ng tangkang poposasan na sana ng kanyang mga ka-transakyon mula sa iba’t-ibang units ng PRO-BAR.
Ayon kay Salanquit, nagtamo si Salazar ng mga tama ng bala sa engkuwentro at idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa isang ospital sa Shariff Aguak, kung saan siya isinugod ng mga pulis at mga civilian emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Kinumpirma naman ng mga opisyal ng mga intelligence units ng Bangsamoro regional police, ng 6th Infantry Division at 601st Infantry Brigade ng Philippine Army na kasama si Salazar sa kanilang listahan ng mga natitirang miyembro ng ngayo’y hindi na aktibong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.

