Arestado ang isang caregiver matapos nakawin ang halos P600,000 halaga ng pera at alahas mula sa kaniyang 77-anyos na amo na isang person with disability (PWD) sa Barangay San Antonio, Makati City.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), natuklasan ng pamilya ng biktima ang umano’y pagkawala ng mga gamit 7:00 ng umaga noong Miyerkules, Agosto 12.
Napansin umano ng pamilya na may nangyaring paggalaw sa isang sobre na nakalagay sa bag ng biktima.
Sa halip na pera, natagpuan sa loob nito ang mga piraso ng puting papel na pinutol at inayos upang magmukhang mga tunay na perang papel.
Tinatayang P594,787 ang kabuuang halaga ng mga nawawalang ari-arian. Kabilang dito ang P294,787 cash, isang gintong bracelet at gintong singsing na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000.
Nang komprontahin ng pamilya ang caregiver, umano’y inamin nito ang pagkuha sa pera at mga alahas.
Bilang pagtatangkang ibalik ang bahagi ng nakuhang halaga, nagpadala ang suspek ng P15,000 sa complainant sa pamamagitan ng GCash at isinuko rin ang kaniyang iPhone, ayon sa pulisya.
Makalipas ang ilang oras, 8:40 ng gabi, tuluyang naaresto ang caregiver ng mga awtoridad.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong qualified theft at isinailalim sa inquest proceedings sa Makati City Police Station habang inihahanda ang mga dokumentong kailangan para sa pormal na pagsasampa ng kaso.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at inaalam ang buong detalye ng umano’y pagnanakaw.

Share.