Ipaprayoridad ng pamahalaang lungsod ng Lipa, Batangas ang mahihirap na residente, sa halip na mga empleyado ng City Hall, sa pamamahagi ng 1,000 sako ng tig-limang kilong bigas na inialok ng tanggapan ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
Sa opisyal na pahayag ng LGU-Lipa, sinabi nitong bagama’t nagpapasalamat sila sa anumang tulong na ipinagkakaloob sa lungsod, kinakailangan pa ring tiyakin ang maayos at patas na pamamahagi ng mga donasyon.
Ayon sa pamahalaaang lungsod, mahigit 2,300 ang empleyado ng lokal na pamahalaan kaya hindi sapat ang 1,000 packs ng bigas para sa lahat kung ito ay eksklusibong ilalaan sa mga manggagawa ng City Hall.
Dahil dito, iminungkahi ng LGU na unahin na lamang ang mga residenteng higit na nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na hindi nito hinaharangan ang sinumang nais magbigay ng ayuda at malaya ang mga donor na direktang mamahagi sa kanilang napiling mga benepisyaryo.
Pero kasabay nito, iginiit ng LGU-Lipa na hindi ito makikilahok sa anumang aktibidad na may kaugnayan sa kaguluhang pampulitika at mananatili itong nakatuon sa pagbibigay-serbisyo sa mga mamamayan.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Leviste na layunin ng kanyang programa na mabigyan ng bigas ang bawat pamilya sa Batangas.
Trending
- Ateneo , nag-sorry sa pamilya ng nasawing athletes
- Cebu City napiling host ng FIBA Women’s Asia Cup 2027, official logo inilabas na
- Pagkilala kina Eala, Obiena, at Yulo, inihain sa Senado
- Suntay, Topacio masisibak sa pagka-abogado sa Anne Curtis ‘nag-init’ isyu
- Resto inireklamo sa ‘dog meat’ menu
- Drug dealer patay sa police ops
- 2 stude sugatan sa rambulan
- Tennis academy itatayo sa CamSur Uptown
