Masaweteng nakaligtas ang punong barangay at dalawa nitong kasama at isa ang sugatan nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Sabong, Lamitan City, Basilan, nitong Lunes ng umaga, Setyembre 7, 2026.
Ayon kay Lamitan City Police Station Officer-in-Charge PLTCOL Janz Vladimir Goce Hilarion, nakaupo ang 39-anyos na chairman sa isang waiting shed kasama ang tatlo pang indibidwal nang dumating ang dalawang lalaking nakamaskara sakay ng itim na Honda Beat motorcycle.
Agad umanong nagpaputok ang mga salarin sa grupo bago mabilis na tumakas patungong downtown Lamitan City at posibleng nagtungo sa kalapit na bayan.
Hindi nasugatan ang chairman at dalawa nitong kasama. Gayunman, isang 28-anyos na lalaki ang tinamaan ng bala sa kanang bahagi ng puwitan at agad na isinugod sa Lamitan District Hospital para sa kaukulang lunas.
Narekober naman ng mga pulis sa lugar ang limang basyo na pinaniniwalaang mula sa 9mm pistol at isang basyo na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril.
Patuloy ang imbestigasyon at pursuit operation ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.
Hindi pa rin matukoy sa ngayon ang motibo sa pamamaril.
Ang mga nakuhang ebidensya ay isinailalim na sa dokumentasyon at sinigurong maayos na maipadala para sa forensic examination.
