Mahigit P5.2 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo ang nasamsam ng Philippine National Police sa Barangay Jolog, Estancia, Iloilo, kung saan arestado rin ang 38-anyos na babae.
Ayon sa pulisya, nasakote ang suspek 7:45 ng gabi noong Abril 23 dahil sa paglabag sa Section 263 ng Republic Act 11467, na may kinalaman sa ilegal na pag-iimbak at distribusyon ng mga produktong saklaw ng excise tax na hindi binayaran ang tamang buwis.
Narekober sa lugar ang libo-libong pakete ng iba’t- ibang uri ng sigarilyo na umano’y hindi nabayaran ng kaukulang excise tax at walang sapat na dokumentasyon. Umabot sa P5,227,837.09 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na produkto, kabilang na ang kaukulang tax penalties.
Agad ding isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang produkto ng mga revenue officer ng Bureau of Internal Revenue at isang barangay official upang matiyak ang maayos na dokumentasyon.
Binigyang-diin ng PNP na bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan, na nagdudulot ng pagkalugi sa kita ng pamahalaan at banta sa lehitimong negosyo.

Share.