APEKTADO ng sunog ang nasa 54 pamilya o 171 indibidwal nang sumiklab ang apoy sa isang residential area sa Barangay Alabang, Muntinlupa, nitong Huwebes.

Ayon sa ulat ng Muntinlupa City Fire Station nagsimula ang sunog ng alas 6:16 ng gabi ng Oktubre 8, sa Purok 4 Extension, Alabang, na umakyat lang sa unang alarma alas 6:23 ng gabi.

Idineklarang fire under control ng alas 7:17 ng gabi ang sunog at tuluyang naapula alas 7:55 ng gabi.

Nasa 26 na truck ng pamatay sunog na kinabibilangan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at volunteers.

Sa isinagawang mapping at assessment ang Social Services Department (SSD) iniulat naman kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon na nasa 30 kabahayan ang natupok.

Iniutos ng alkalde ang SSD na bigyan mahahalagang non-food items tulad ng sleeping kits at hygiene kits, at food packs ang mga pamilyang apektado, na karamihan ay nanunuluyan sa covered court ng Alabang Elementary School.

Kabuuang 16 na fire truck, 10 volunteer truck, isang ambulansya, at isang rescue vehicle ang rumesponde sa naganap na sunog.

Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog at halaga ng napinsalang ari-arian. (Gina Garcia)

Share.