Patay ang isang backhoe operator matapos matabunan ng lupa sa gitna ng ilegal na treasure hunting sa Barangay Magsaysay nitong Martes, Abril 7,2026
Kinilala ang biktima na si Arnel Maybanting, alyas “Boboy.”
Ayon sa ulat, 9:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa isang excavation site sa boundary ng Barangay Magsaysay at Barangay Silway 8, sa loob ng Sabano Farm.
Nasa aktong naghuhukay umano ang biktima gamit ang backhoe para sa hinihinalang treasure hunting nang biglang gumuho ang lupa at matabunan siya kasama ang heavy equipment.
Ayon sa farm caretaker na si Roel Grande, nakarinig siya ng malakas na ugong bago nadiskubre ang pagguho ng lupa sa lugar.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng pulisya, MDRRMO, at Bureau of Fire Protection (BFP) Polomolok.
Pinangunahan ng Special Rescue Force ang retrieval operation na tumagal ng ilang oras dahil sa lalim ng hukay at dami ng gumuhong lupa.
Sa report, 2:30 ng hapon nang mahukay ang biktima, ngunit idineklara siyang dead on arrival sa Polomolok General Hospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente, kabilang ang posibleng paglabag sa batas kaugnay ng ilegal na treasure hunting at excavation.
Nagpaalala naman ang MDRRMO at BFP sa publiko na iwasan ang mga ganitong aktibidad kung walang kaukulang permit at sapat na safety measures upang maiwasan ang kapahamakan.

Share.