Pinatibay ni Ayl Gonzaga ang promising career sa impresibong double victory sa Mayor Josef Fortich Cagas National Juniors Tennis Championships, habang pumoste rin si Julius Otoc ng standout play sa boys’ division sa Digos City Tennis Club sa Davao Del Sur noong weekend.

Nangibabaw ang top-seeded 14-year-old na si Gonzaga sa age category niya, dalawang laro lang ang napahulagpos patungo sa titulo, na tinapos ng 6-2, 6-0 panalo kay Princess Placa. Ipinagpatuloy ng Olongapo City star ang stellar form sa 16-and-under division, kung saan siya No. 2 seed, diniskaril ang upset streak ni Mariam Mokalam sa 6-0, 6-3 tagumpay, at naging nag-iisang double-title winner sa Group 2 tournament na hatid ng Dunlop.
Nauna nang ginulat ni Mokalam si top seed Aika Salahuddin, 7-5, 6-4, sa semifinals saka tumukod laban kay Gonzaga sa final.

Sorpresang hinagip ni fifth-seeded Otoc ang 14-&-U crown. Sinilat si No. 3 Carl Eduarte, 6-2, 6-2, sa quarterfinals bago ang come-from-behind 3-6, 7-5, 10-8 sorpresanbg paglusot kay top-seeded Jan Gecosala, ang kampeon ng Cotabato noong nakaraang linggo, sa semis. Hinablot ni Otoc ang titulo sa solidong 6-3, 6-3 panalo kay No. 4 Gil Niere, para masungkit ang MVP honors kasama si Gonzaga.

Ang torneo ang tumapos sa three-leg Mindanao swing ng national junior circuit, na bahagi ng Palawan Pawnshop program na pinangungunahan ni president at CEO Bobby Castro.

Ang iba pang mga nanalo sa ranking event na may basbas ng Philta at mga suportado ng Universal Tennis Ranking at ICON Golf & Sports, ay sina Dhea Cua ng Kidapawan, Maria Shan Tuyor ng Tagum, Stephen Fuertes mula Digos, Iñigo Barrios ng Kidapawan, Pete Niere ng Bogo, at KC Rabino ng Gen. Santos.

Napanalunan ni Cua ang titulong 18-&-U sa 6-0, 6-0 na pagbutata kay Sanschena Francisco, nasungkit ni Tuyor ang titulo ng girls’ 12-&-U sa pagdaig kay Althea Masinadiong, 6-4, 6-7(5), 6-4, wagi si Fuertes sa boys’ 18-&-U sa 6-2, 6-2 panalo kay Raphael Duay;

Kinopos ni Barrios ang titulo ng boys’ 16-&-U nang itumba si Gecosala, 6-1, 7-6(3); napasakamay ni Niere ang kampeonato ng boys’ 12-&-U sa 6-4, 6-3 tagumpay kay Francis Florida; at tinalo ni Rabino si Azl Gonzaga, 3-5, 5-4(5), 10-5, para angkinin ang 10-and-U unisex title.

Sa wakas ng Mindanao leg, magagawi ang junior tennis circuit sa Big City para sa MCF Valle Verde Championship sa Pasig City sa April 2-7. Para sa iba pang mga detalye at pagpapalista, makipag-ugnayan kay PPS-PEPP program director Bobby Mangunay sa 0915 404 6464.

Share.