NAGKALOOB ng halos P100,000 ang ALPAS Group sa National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) bilang tulong sa pagpapalawak ng programa at suportang kalusugang pang-kaisipan ng mga mamamahayag.

Ayon kay Marzie Marzan, isa sa nagtatag at CEO ng ALPAS, ang kalusugang pangkaisipan ay isa sa kanilang pinapahalagahan ng lubos sa kanilang kompanya kayat nais nila itong maipagkaloob din sa mga miyembro ng media at organisasyon na kanila ring ka-trabaho.

Kinikilala aniya nila ang pagharap sa kakaibang hamon sa buhay ng mga mamamahayag sa pagtupad sa tungkulin kayat umaasa sila na sa pamamagitan ng ipinagkaloob na donasyon, makakatulong ito ng malaki upang mapangalagaan ang kanilang kalusugang pangkaisipan.

Paliwanag naman ng NUJP, ang mga mamamahayag sa Pilipinas ay lantad sa mga nakababahalang sitwasyon at traumatikong pangyayari sa linya ng kanilang trabaho, kabilang ang pag-uulat sa nagaganap na krimen, kalamidad, sakuna, at kaganapang may panganib sa kanilang buhay habang naghahabol sa deadline na labis na nakakaapekto sa kalusugan ng kanilang kaisipan.

Umaasa ang NUJP na sa pamamagitan ng programa ng ALPAS na pagsuporta sa kapuwa, makakatulong ito ng malaki upang mararamdaman ng mga mamamahayag na kinikilala rin ang kanilang mga pinagdaraanan nang walang takot sa diskriminasyon o panghuhusga.

“Journalists play an important role in keeping the public informed, often working under challenging and demanding circumstances. We will continue to do our part in supporting the people behind the stories, including helping address their mental and emotional well-being,” pahayag naman ni ALPAS Group Co-Founder at Chief Strategy Officer, Atty. Carlo Escalada. (Edison de Jesus)

Share.