Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng show cause order laban sa isang aktor at negosyante na rehistradong may-ari ng isang supercar matapos umanong matukoy na gumagamit ito ng pekeng plaka sa pampublikong kalsada.
Sa beripikasyon ng LTO, lumabas na iba ang alphanumeric combination ng plakang nakakabit sa sasakyan kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number nito.
Inatasan ang rehistradong may-ari at itinalagang driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division (IID) at magsumite ng paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa paggamit ng number plates.
Samantala, isinailalim na sa 90 araw na preventive suspension ang lisensya ng driver, habang inilagay naman sa alarm status ang supercar at inatasan ang Law Enforcement Service na ipatupad ang pag-impound dito.
“Walang VIP sa pagpapatupad ng batas. Kahit sino pa ang sangkot, kapag napatunayang lumabag, haharap sa kaukulang pananagutan,” pahayag naman ni LTO Chief Markus Lacanilao.

Share.