Arestado ang 38-anyos na babae nang mahulihan ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Magsaysay, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jen,” 38-anyos, dalaga, walang trabaho at residente ng Purok Vicente Fin, Barangay Magsaysay.

Ayon sa ulat, isinagawa ng mga operatiba ng Polomolok Municipal Police Station, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12, ang operasyon 7:27 ng gabi noong Agosto 28, 2026, sa gilid ng isang kalsada sa nasabing lugar.

Nakumpiska umano mula sa suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.2 gramo, bukod pa sa tatlong iba pang pakete na may kabuuang timbang na 6.2 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P42,532.

Narekober din sa operasyon ang isang transparent na cellophane at ₱500 marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Polomolok Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang dokumentasyon at kaukulang proseso laban sa suspek.

====

Share.