Muling inireklamo ang isang restaurant sa La Trinidad, Benguet nang maghain ng “dog meat” sa mga customer.
Naghain ng ulat sa La Trinidad Municipal Police Station si animal welfare advocate Attorney Amadeo Degay kaugnay ng umano’y pagsisilbi ng dog meat sa isang restaurant sa Brgy. Puguis.
Batay sa police certification, naganap ang insidente 12:30 ng tanghali noong Hulyo 5 nang kumain sa naturang establisimyento ang apat na empleyado ng pamahalaan.
Sa ulat, limang mangkok ng sabaw ang inihain sa grupo kung saan dalawa ang umano’y ipinakilalang beef soup at tatlo naman ay “dog soup”.
Kalaunan, umorder din ang grupo ng tatlong serving ng beef at dalawang serving ng pulutan. Napansin umano nila na ang inihain na pulutan ay kahawig ng dog meat kaya’t hindi nila ito kinain.
Ipinaalam umano nila sa pamunuan ng restaurant ang kanilang planong ipasuri ang karne, ngunit una umanong tumanggi ang mga tauhan. Humingi sila ng tulong kay Attorney Degay at sa La Trinidad Municipal Police Station hanggang sa pinayagan ding mailabas ang mga sample na kalauna’y isinailalim sa tamang dokumentasyon at isinumite para sa DNA analysis.

Share.