Nasawi ang isang dealer ng shabu na kilalang konektado sa mga nalalabing miyembro ng nabuwag ng dalawang teroristang grupo sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Limpongo sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules, July 8.
Kinumpirma nitong Huwebes ng mga ranking officials ng mga intelligence units ng 601st Infantry Brigade at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na ang nasawing si Rahim Antipolo Upam ay nagbibigay ng parte ng kanyang kita sa mga nalalabi pang mga miyembro ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nagtatago sa Datu Hoffer at mga karatig na bayan sa Maguindanao del Sur.
Sa mga hiwalay na ulat ng mga local executives at mga officials ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, aarestuhin na sana si Upam ng mga pulis na kanyang nabentahan ng shabu dalawang sachet ng shabu mismo sa kanyang tirahan sa isang lugar sa Barangay Limpongo ngunit bigla itong naglabas ng pistol kaya siya nabaril ng isa sa kanila.
Magkatuwang na nailatag ang naturang entrapment operation ng Datu Hofer Municipal Police Station, sa pangunguna ni Capt. Beatriz Taeza, at nila Lt. Col. Erwin Tabora, force commander ng Provincial Mobile Force Company, at ng kanyang mga tauhan batay sa ulat ng mga barangay officials hinggil sa pagbebenta ng suspect ng shabu sa mga liblib na mga barangays sa probinsya ng Maguindanao del Sur.
Nadeklarang dead on arrival si Upam ng manggagamot na si Kevin Sinangote sa Bangsamoro Regional Medical Center sa hindi kalayuang bayan ng Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur kung saan siya dinala ng mga pulis at mga barangay emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Maliban sa dalawang mga sachet ng shabu, nakumpiska din ng mga pulis sa naturang entrapment operation ang isang shotgun, isang .38 caliber revolver na pag-aari ni Upam.
Ayon sa mga officials ng 6th ID may apat na mga kamag-anak si Upam na miyembro ng Dawlah Islamiya na sumuko sa 38th Infantry Battalion sa isang seremonyang ginanap sa Barangay Buayan sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nito lang nakalipas na June 21.

Share.