Nakapila ang limang banyera na may malalaking bato sa gilid ng kalsada kung saan nanggagaling ang tubig sa ilog na naging sanhi ng baha sa Barangay San Nicolas, Hagonoy, Bulacan mula pa noong Lunes, May 18, hanggang ngayong Biyernes, May 22, 2026.
Sa tala ng Hagonoy Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Weekly Tide Table, 4.6 feet ang taas ng high tide noong Lunes, May 18, at Huwebes, May 21. Nasa 4.9 feet naman ang high tide noong Martes at Miyerkules, May 19 at 20, habang 4.3 feet naman ngayong Biyernes, May 22.
Ayon kay Barangay Captain Amor Angeles, ang mga banyera ang nagsisilbing panangga sa malakas na agos ng tubig mula sa ilog.
Aniya, ganito na ang sitwasyon sa kanilang barangay tuwing high tide at kailangan nilang gumawa ng alternatibong paraan para makadaan ang mga residente at mga tricycle sa parte ng kalsadang katapat ng bukana ng ilog.
Sa listahan ng mga flood control projects sa Sumbong sa Pangulo website, may isang proyektong nakalaan para sa Barangay Nicolas na nagkakahalaga ng P77,199.997.92 at may ‘completion date’ na July 7, 2023.
Ayon pa sa listahan ay Wawao Builders ang contractor ng nasabing proyekto na may project description na ‘Construction of Flood Mitigation Structures along Barangay San Nicolas, Hagonoy, Bulacan.’
Kinumpirma naman ni Angeles at ni Jhong Cristomo, executive assistant ni Hagonoy Mayor Charo Sy-Alvarado, na walang naitayong flood control project sa Barangay San Nicolas noong July 2023.
 Sa ulat noong September 1, 2025, humarap sa pandinig ng Senado ukol sa maanomalyang flood control projects ang presidente ng Wawao Builders na si Mark Allan Arevalo pero tumanggi siyang magsalita tungkol sa ghost projects na diumano ay kinasasangkutan ng kanyang kumpanya.

Share.