Bilang tulong sa mga taxpayer, isang panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para itaas sa P480,000 ang malilibre sa income tax mula sa kasalukuyang P250,000.
Base sa House Bill (HB) 9172 na inakda ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima, pinaamyendahan nito ang Section 24(A)(2)(a) and (b) ng National Internal Revenue Code of 1997 para hindi na singilin ng income tax ang mga Pilipino na kumikita ng P480,000 kada taon.
“Ensuring that tax systems remain equitable, efficient, and responsive to inflation is essential to balancing revenue generation with the protection of taxpayers’ real income and purchasing power,” ani De Lima.
Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, na ipinatupad noong 2018, inilibre na sa buwis ang unang P250,000 na income ng bawat Pilipino subalit ang sobra sa halagang ito ay binubuwisan na.
Subalit dahil sa patuloy paglobo ng inflation rate , sinabi ni De Lima na kailangan na umanong itaas ito sa P480,000 para matulungan ang mga ito lalo na ngayong panahon ng krisis.
“Sa mahal ng gasolina, kuryente, tubig, at ng mga bilihin, isama pa ang iba pang kakaltasing kontribusyon sa gobyerno, wala nang natitira o kulang na kulang ang sweldong natatanggap ng marami nating kababayan. Ilang araw pa lang ang lumipas pagkasuweldo, petsa de peligro na agad,” ani De Lima.
Naniniwala ang mambabatas na malaking tulong ito sa mga working class na tinatawag kasama na ang mga low at lower-middle income earner upang mas malaki ang naiuuwi nilang sahod na magagamit nila sa panahon ng pangangailangan.
“Paano pa kung may krisis na, o kung may magkasakit sa pamilya? One way to lessen the economic challenges confronting many of our countrymen is to implement reforms in income tax exemption that will increase their take-home pay or disposable income,” ayon pa sa mambabatas.
“We understand that taxes are a source of funding for critical public services such as education, healthcare, and public safety. Pero kung pigang-piga na ang binubuwisan tulad ng ating mga middle class na nagkakandakuba na sa pagbabanat ng buto pero nababaon pa rin sa hirap at utang, dapat agarang kumilos ang gobyerno para pagaanin ang kanilang pasanin,” dagdag pa ng mambabatas.
Trending
- Eala at Tjen nagdala ng ‘pagmamalaki’ sa Timog-Silangang Asya sa Roland Garros
- PSC at Lungsod ng Maynila, nananatiling magkaisa sa muling pagpapaunlad ng Rizal Memorial
- BINI pinarangalan sa Kamara
- Sam Verzosa spotted kasama si Faith da Silva
- Kylie Padilla nabawasan na ang angas, tapang dahil sa 2 anak
- 167 granada, mga baril isinuko sa Lanao del Sur
- Mga tanod gumawa ng sariling flood control sa Hagonoy, Bulacan
- Padilla: Bato nakisakay lang, walang ideya kung saan papunta

