Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng isang panukala na naglalayong bigyan ng 5% diskuwento ang mahihirap na estudyanteng Pilipino sa lahat ng antas, maging ang mga kumukuha ng kurso na technical-vocational, sa kanilang gastusin sa pagkain, gamot, school supplies pati na rin sa mga learning gadget.
“Maraming estudyante ang kapos sa panggastos araw-araw kaya bawat pisong natitipid nila ay napakahalaga. Sa panahon ngayon, hindi na luho ang laptop, tablet, o cellphone — kailangan na ang mga ito para makasabay sa pag-aaral. At lalong hindi luho ang pagkain, tuition, at school supplies. Kaya bawat diskwento ay malaking ginhawa para sa mga estudyante at kanilang pamilya,” ani Estrada.
Sa kanyang Senate Bill No. 1063 o ang panukalang “Underprivileged Students’ Discount Act,” nais ni Estrada na maibsan ang mga pasanin ng pamilyang may kabuuang kita kada taon na P250,000 o mas mababa pa.
Saklaw ng panukalang diskwento ang mga food chains o restaurants, canteens, botika, gayundin ang mga bookstores at tindahan ng school supplies pati na rin ang mga nagbebenta ng electronic devices na kailangan sa online at distance learning gaya ng laptops, tablets saan mang panig ng bansa.
Sakop din ng panukala ang bayarin sa tuition, miscellaneous at iba pang gastusin sa paaralan, pati na ang entrance fees sa mga museo, teatro at cultural events.
Maaari ring makinabang ang mga working students basta’t pasok ang pinagsamang kita ng kanilang pamilya sa itinakdang income threshold.
Nilinaw ni Estrada na ang panukalang 5 porsiyentong discount ay hindi makaaapekto sa pagiging kwalipikado ng mga mag-aaral sa iba pang educational assistance mula sa pamahalaan o paaralan, gaya ng scholarships, vouchers, at iba pang student aid programs.

Share.