Inaprubahan ng House of Representatives nitong Martes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang nagpapalawak at nagpapalakas sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na layong dagdagan ang suporta sa mahihirap na pamilya at magbigay ng mas malinaw na daan tungo sa edukasyon, kabuhayan, at eventual na pag-angat sa kahirapan.
Ang House Bill (HB) No. 8647 ay pumasa sa botong 224-3-0. Pinananatili nito ang orihinal na layunin ng 4Ps habang pinalalawak ang saklaw nito upang tugunan ang socio-economic resilience, adult education sa pamamagitan ng Alternative Learning System, pagsasanay sa entrepreneurship at kabuhayan, at mas maayos na transition para sa mga benepisyaryo.
Papalakasin ng panukala ang case management sa pamamagitan ng pag-aatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gumamit ng community-level data, household profiling, validation, at local planning upang mas maitugma ang serbisyo sa mga benepisyaryo.
Binibigyang-diin din nito ang unang 1,000 araw ng buhay ng bata sa pamamagitan ng target na tulong mula pagbubuntis hanggang sa ikalawang kaarawan ng bata, na kritikal sa kalusugan at nutrisyon.
Sa ilalim ng panukala, ang health at nutrition grant ay hindi bababa sa PHP750 kada buwan, habang ang mga buntis at batang wala pang dalawang taong gulang ay makatatanggap ng hindi bababa sa PHP850 kada buwan. Mayroon ding PHP1,000 na grant para sa early child development at pangangailangan sa kalusugan ng ina at sanggol, at rice subsidy na hindi bababa sa PHP1,500 kada buwan sa loob ng hanggang 12 buwan bawat taon.
Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, hindi lamang dapat pansamantalang tulong ang 4Ps kundi dapat ding magsilbing tulay tungo sa mas magandang oportunidad.
“That is the direction President Ferdinand R. Marcos Jr. wants for social protection, and under Speaker Bojie Dy, the House is making sure support reaches families in a way that is practical, humane and built for the long term,” aniya.
“The goal is not to keep families dependent on aid forever. The better goal is to help them get through the present, then open doors to schooling, skills, jobs and livelihood so they can eventually leave the program with dignity,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang kahit isang adult beneficiary na sumailalim at matapos ang pagsasanay sa adult education, technical-vocational training, entrepreneurship, o katulad na livelihood programs. Magkakaroon din ng transition program para sa mga lalabas na sa 4Ps upang matiyak na may access pa rin sila sa training, trabaho, financial literacy, at iba pang serbisyo.
Ipinag-uutos din ang kanilang saklaw sa National Health Insurance Program na may subsidiya ng pamahalaan sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Magkakaroon ng database ng mga benepisyaryo at inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na isama sila sa poverty reduction at social protection programs. May kaukulang parusa rin para sa pandaraya, kabilang ang pagbibigay ng maling impormasyon, maling paggamit ng benepisyo, at ilegal na pag-withdraw ng tulong.

Share.