Isinusulong ni Senador Robin Padilla ang isang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang senior high school (SHS) sa basic education system bilang tugon sa mga hamong kinakaharap ng mga pamilyang Pilipino sa ilalim ng K-12 program.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1297 o ang “Abolishing Senior High School Education Act”, iminungkahi ng senador ang pag-amyenda sa Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 upang gawing mas simple ang basic education cycle na kapapalooban ng kindergarten, anim na taon ng elementarya at apat na taon ng secondary education.
Ayon kay Padilla, bagamat maganda ang hangarin ng K-12 program na iangat ang kalidad ng edukasyon at gawing globally competitive ang mga estudyanteng Pilipino, nananatili umano itong malaking hamon sa maraming magulang laluna sa aspeto ng gastusin.
Bukod dito, sinabi ng senador na pabigat din umano sa mga magulang ang dagdag pamasahe, baon at school supplies sa kanilang mga anak.
“Hindi natin maikakaila na maraming pamilyang Pilipino ang nahihirapang tustusan ang dagdag na dalawang taon ng pag-aaral. Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan para makapagtapos ang ating mga kabataan,” ayon pa sa senador.
Idinagdag pa ni Padilla na nakababahala ang pagtaas ng mga estudyanteng nagda-dropout na lamang at hindi na nakakapagtapos ng high school dahil sa karagdagang taon ng pag-aaral.
“Kung ang resulta ng sistema ay mas maraming kabataang napipilitang huminto sa pag-aaral, kailangan nating pag-isipan kung ito ba talaga ang tamang direksyon,” dagdag pa ng senador.
Ayon pa sa panukala, may mga pangamba rin hinggil sa kakayahan ng kasalukuyang Senior High School curriculum na ihanda ang mga estudyante para sa trabaho o kolehiyo.
“Ang layunin ng edukasyon ay ihanda ang kabataan sa tunay na buhay. Kung hindi sapat ang kasalukuyang sistema, tungkulin nating ayusin ito,” paliwanag ni Padilla.
Trending
- Men’s football team ng Iran tiniyak ang pagsali sa FIFA World Cup
- Rematch ni Charly Suarez at Navarrete nakatakda sa Setyembre
- MUP winner, proud sa baba na hawig daw kay Ai Ai
- Rosmar, nabuwisit, rumesbak kay Inah de Belen
- Fans ni Kim, umaalma kay Maja
- LeBron James nagtala ng record
- Khamzat Chimaev haharapin na si Sean Strickland
- Iran kinondena ni Tulfo sa pag-atake sa barko na may Pinoy seaman

