Nanganganib masayang ang dose-dosenang itlog, balut, at penoy sa isang poultry farm sa Candaba, Pampanga matapos hindi maibenta ang mga ito dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon sa mga manggagawa sa isang farm sa Barangay Paligui, kapansin-pansin ang paghina ng demand dahil hirap na ang mga mamimili at distributor na bumiyahe dulot ng mahal na diesel.
Bunsod nito, ang ilan sa kanilang paninda ay napipilitang ipamigay na lamang, habang ang iba ay tuluyan na lang nilang napapagdesisyunan na itapon na lamang.
Sa sitwasyon sa Metro Manila, napansin din ang pagbaba ng presyo ng itlog sa ilang pamilihan, kabilang ang Blumentritt Market, kung saan bumaba ang halaga kada tray.
Gayunman, sa kabila ng mas murang presyo, nananatiling matumal ang bentahan dahil limitado ang biyahe ng mga bumibili.
Ayon sa ilang egg dealer, mas tumagal na ang pag-ubos ng kanilang paninda kumpara dati, habang ang ibang mamimili ay mas pinipiling bumili ng paisa-isang itlog kaysa kada tray.
Samantala, nananatiling halos hindi nagbabago ang presyo ng itlog sa Mega Q-Mart, kung saan iba-iba ang halaga depende sa laki.
Nagkakahalaga pa rin ang small na itlog ng P8 kada piraso, P8.50 ang medium, P9 ang large, P9.50 ang extra large at P10 ang jumbo.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang Department of Agriculture (DA) at ang Philippine Egg Board Association (PEBA) hinggil sa sitwasyon ng suplay at bentahan ng itlog sa bansa.
Batay sa pinakahuling price monitoring ng DA, depende sa laki, naglalaro sa mahigit P6 hanggang halos P10 ang presyo ng white chicken egg.

Share.