Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules na bumaba ang deployment ng overseas Filipino workers (OFWs) dahil marami ang umatras sa pag-alis para sa trabaho bunsod ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, may mga ulat na marami ang hindi na tumutuloy at ito ang isa sa mga dahilan ng malaking ibinaba ng deployment dahil may mga OFW na ring nagpapasyang huwag nang magpatuloy.
“Merong ulat na mga hindi natutuloy at ito nga talaga ‘yung talagang ‘di hamak na bumaba talaga ang deployment dahil nagkakaroon na rin ang kapasyahan ng mga OFWs natin na huwag patuloy,” pahayag ni Cacdac sa isang interbyu.
Sinabi rin niya na nagbibigay lamang ang pamahalaan ng payo sa mga apektadong manggagawa na manatili muna kung nasaan sila. “Kaya nagbibigay lang tayo ng advisory to stay where you are. Wala namang ‘stranded’ sa sariling bayan,” dagdag niya.
Ayon pa kay Cacdac, nakaapekto rin sa deployment ang mga kanseladong biyahe at mga usapin sa kaligtasan, partikular sa hospitality, transport, construction, at events management. Nilinaw rin niya na maaaring hindi ganap na sumasalamin sa aktuwal na sitwasyon sa ground ang naunang ulat na may 40,000 stranded OFWs, batay sa impormasyong mula sa recruitment agencies.
Sinabi ni Cacdac na tumutulong na ang DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at iba pang ahensya ng gobyerno sa mga apektadong manggagawa sa mga paliparan mula pa noong mga unang araw ng sigalot. Kabilang sa ibinibigay na ayuda ang financial aid, pansamantalang matutuluyan, transportation support, at travel assistance pabalik sa kanilang mga probinsya.
Dagdag pa niya, nagsasagawa rin ang gobyerno ng job fairs at livelihood initiatives katuwang ang mga local government unit at iba pang ahensya upang matulungan ang mga nawalan ng trabaho o mga nagbabalik na manggagawa.
Sa kabila nito, nilinaw ni Cacdac na wala pang umiiral na total deployment ban sa ngayon.
Trending
- Men’s football team ng Iran tiniyak ang pagsali sa FIFA World Cup
- Rematch ni Charly Suarez at Navarrete nakatakda sa Setyembre
- MUP winner, proud sa baba na hawig daw kay Ai Ai
- Rosmar, nabuwisit, rumesbak kay Inah de Belen
- Fans ni Kim, umaalma kay Maja
- LeBron James nagtala ng record
- Khamzat Chimaev haharapin na si Sean Strickland
- Iran kinondena ni Tulfo sa pag-atake sa barko na may Pinoy seaman

