Sinabi ni Vice President Sara Duterte na isa na siyang ampon ng Lamut, Ifugao, sa gitna ng kanyang pagbisita sa Northern Luzon, isang rehiyong matagal nang itinuturing na “Solid North” at tradisyunal na balwarte ng pamilya Marcos.
Sa kanyang pagdalo sa Rambakan Festival sa Lamut, nagpasalamat si Duterte sa pagtanggap sa kanya ng komunidad kahit siya ay mula sa Mindanao.
“Kahit ako ay nanggaling sa napakalayong siyudad sa Mindanao, hindi naging hadlang na ako ay tanggapin ninyo bilang isang anak ng Lamut, Ifugao,” ani VP Duterte.
“Isa itong napakahalagang regalo na hindi kailanman mabibili ng salapi at hindi kailanman maibabalik o mabayaran ko sa inyo,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Nagbiro rin si Duterte na bibili siya ng lupa at bahay sa Lamut bilang pagpapakita ng kanyang pasasalamat.
“Dahil gusto ko nang ipakita sa inyo ang aking pagpapasalamat at paninigurado na hindi ko kayo makalimutan dito sa Lamut, Ifugao ay bibili ako ng lupa at bahay dito sa inyo sa Lamut,” dagdag pa ni Duterte.
“Mabuti na iyong madagdagan natin ang mga unexplained wealth ni Inday Sara Statement of Assets, Liabilities and Net worth kung saan niya kinuha ang pambili ng bahay sa Lamut. Mamaya maliit lang uy. Huwag iyong ekta-ektarya na lupa,” aniya pa.
Ipinaabot din ni Duterte ang pasasalamat ng kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na suporta at panalangin ng mga residente.
“Ipinapaabot din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasalamat sa inyong panalangin sa kanyang pag-uwi dito sa ating mahal na bayan. Ang pamilya Duterte ay nagpapasalamat din sa pagkakataon na ibinigay ninyo sa amin na makapaglingkod sa ating bayan,” aniya pa.
“Ang lakas namin ay hindi galing sa aming apelyido o sa katayuan namin doon sa syudad ng Davao kundi galing ito sa Diyos. At mga kababayan, ang lakas namin ay galing sa inyong lahat.”
Ayon din sa ulat, nanguna si Duterte sa WR Numero survey na inilabas nitong Martes para sa posibleng 2028 presidential race. Sa 1,455 adult respondents na sinarbey noong Marso, 35.9 porsiyento ang pumili kay Duterte bilang kanilang nais na kandidato sa pagkapangulo. Sinundan siya ni Senator Raffy Tulfo na may 18.5 porsiyento at ni dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo na may 15.7 porsiyento. May 19.4 porsiyento namang hindi pa nakapipili.
Trending
- Men’s football team ng Iran tiniyak ang pagsali sa FIFA World Cup
- Rematch ni Charly Suarez at Navarrete nakatakda sa Setyembre
- MUP winner, proud sa baba na hawig daw kay Ai Ai
- Rosmar, nabuwisit, rumesbak kay Inah de Belen
- Fans ni Kim, umaalma kay Maja
- LeBron James nagtala ng record
- Khamzat Chimaev haharapin na si Sean Strickland
- Iran kinondena ni Tulfo sa pag-atake sa barko na may Pinoy seaman

