Makalipas ang tatlong taon at bagong team, nasa semis na muli si Arvin Tolentino.

Siya ang lider ng NorthPort na nakarating sa PBA 49 Commissioner’s Cup final four.

Ang siste, ang pinanggalingang team ni Tolentino – ang Ginebra – ang hahamunin ng Batang Pier sa best of seven series umpisa sa Feb. 26 sa Smart Araneta Coliseum.

Excited na siyang makaharap sa isang serye ang mga dating teammate.

“Siyempre, may pinagsamahan naman kami,” aniya. “For how many years, halos araw-araw rin kaming magkakasama. Mga kumpare ko na rin ‘yung players doon.”

“Last semis ko 2022 before ako na-trade,” balik-tanaw ni Arvin. “Governors Cup ‘yun, panalo kami nu’n.”

First round pick (10th overall) ng Gins si Tolentino mula FEU noong 2019. Rookie year niya, kampeon agad siya sa 2020 Philippine Cup bubble sa Clark.

Nasundan ‘yun sa 2022 Governors bago trinade sa NorthPort, kasama si Prince Caperal, para kay Jamie Malonzo.

Sina Tolentino, Fil-Am Joshua Munzon, import Kadeem Jack ang tatlong haligi ng kampanya ng Batang Pier na No. 1 pagkatapos ng 12-game elims.

Pumupukpok pa si Tolentino sa karera para sa Best Player of the Conference, una niya kung sakali.

Para makuha ang misyon na makarating sa finals, kailangan munang apat na beses talunin ng Batang Pier ang Ginebra.

Share.