MALUBHANG nasugatan ang 23-anyos na kelot nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin Miyerkules ng gabi sa Malabon City.
Sa nakarating na ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad ang biktima sa harap ng Northshore Subdivision sa kanto ng Victoneta Avenue at Magsaysay St., Brgy. Potrero dakong alas-7:20 ng gabi nang sumulpot ang naka-motorsiklong salarin sa kanyang harapan at sunod-sunod siyang pinaputukan ng hawak na baril.
Bagamat sugatan, nagawa pang makatakbo ng biktimang si alyas “Ralph” at makahingi ng tulong sa mga tao sa naturang lugar na dahilan para mabilis na tumakas ang suspek, sakay ng asul na Suzuki Skydrive, patungo sa hindi nabatid na lugar.
Isinugod ng mga nagmalasakit ang biktima sa Manila Central University (MCU) Hospital kung saan nananatili siyang ino-obserbahan ng mga doktor sa tinamong tama ng bala sa bahagi ng katawan.
Nakuha naman ng mga nagrespondeng tauhan ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission sa lugar na kinaganapan ng pamamaril ang limang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 pistola na dadalhin sa NPD Forensic Unit upang isailalim sa ballistic examination.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para sa ikadarakip ng suspek na ayon sa mga nakasaksi ay mistulang kilala ng biktima kayat hinihintay ng pulisya ang magiging pahayag ng lalaki sa oras na maka-recover na sa tinamong mga sugat para alamin ang motibo sa tangkang pagpaslang. (Edison de Jesus)


