Napatunayang guilty sa kasong estafa ang isang pit manager at limang dayuhan na sangkot sa umano’y card-switching scheme sa Solaire Resort & Casino.
Pinaniniwalaang pinalitan ng grupo ang mga lehitimong baccarat card deck ng mga barahang nakaayos na sa partikular na pagkakasunod-sunod upang malaman ng mga kasabwat ang posibleng resulta ng laro at makapagtaya nang may malaking bentahe, na nagdulot umano ng halos P40 milyon na pagkalugi sa casino.
Ayon sa Regional Trial Court (RTC) ng Parañaque City, guilty beyond reasonable doubt si pit manager Reynante Miguel at mga dayuhang sina Mongkol Charernwuttwong, Virat Phochareon, Sittisak Sapkasetrin, Hyun Seo Park at Keith Yue Lung Tam.
Ayon sa ulat ng Bilyonaryo, sinentensiyahan ang bawat isa sa pagitan ng apat at dalawang buwan at 20 taong pagkakakulong.
Bukod sa pagkakakulong, inatasan din silang magkakasamang bayaran ang Bloomberry Resorts and Hotels Inc., operator ng Solaire Resort & Casino, ng P39.747 milyon bilang actual damages.
Mayroon ding 6% interest kada taon ang naturang halaga mula sa finality ng desisyon hanggang sa tuluyang mabayaran ang kabuuang danyos.
Sa desisyon ng korte, lumitaw ang ebidensiyang nagpapakita umano ng “coordinated effort” upang palitan ang lehitimong card decks ng mga barahang nakaayos na.
Binigyang-halaga ng korte ang CCTV footage, chat conversations, screenshots at testimonya ng prosekusyon, na ayon dito ay bumuo ng isang “unbroken chain” ng ebidensiya na nagpapatunay sa sinadyang pagpapalit ng card shoe upang manipulahin ang baccarat games.
Batay sa court findings, isang dummy card carrier ang dinala sa loob ng Solaire noong Agosto 30, 2022 at itinago sa isang restroom.
Nang araw ding iyon, isang lehitimong carrier na naglalaman ng walong deck ang tinanggal mula sa isang cabinet sa Pit 56 at pinalitan.
Dumating sa table ang limang dayuhang akusado nang hapong iyon at sa simula ay tumaya sa average na P10,000 hanggang P20,000. Bandang 4:59 p.m., inilagay sa mesa ang baraha na naglalaman ng mga nakaayos nang baraha.
Tinawag ng korte ang naturang manipulasyon na isang “fraudulent practice to insure success in a gambling game.”
Ayon sa korte, si Miguel umano ang nag-supply ng manipulated game habang ang kanyang mga kasamang akusado naman ang nakinabang sa naturang setup.
Samantala, nauna nang tumakas sa piyansa ang limang dayuhang akusado. Dahil dito, na-forfeit ang kanilang bail bonds at naglabas ang korte ng mga warrant of arrest laban sa kanila.
Si Miguel naman ay nanatili sa proseso ng paglilitis at tumestigo para sa panig ng depensa.
====
Trending
- Sotto ‘di kasama sa Asian Games sa Japan
- Jordan Clarkson proud pa rin kay Alex: “Queen Eala forever!”
- Dominican Republic wagi bilang Miss World 2026
- Lotlot de Leon ipinagpapasa-Diyos ang sigalot nila ni Ian
- Misis ni Baron Geisler may cryptic post
- SINUNTOK,MISIS DEDO KAY MISTER
- DAYA SA CASINO: 6 “GUILTY”
- TRUMP:$5,000 SA SENIORS

