Patay ang 17-anyos na lalaki nang bugbugin at pagsasaksakin ng apat na kabataan sa masukal na bahagi ng kalsada sa Bgy. Lawy, Capas, Tarlac, Biyernes ng gabi, Setyembre 4.
Ayon kay Lt. Col. Alfie Salang, Chief of Police ng Capas Police Station, tinambangan ng apat na suspek ang biktima at kasama nito habang nasa lugar.
“Binugbog ng apat itong dalawang biktima kaso nakatakbo itong isa. Itong biktima naman pinagtulungang sinaksak ng apat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.”
Batay sa imbestigasyon, nagtamo ng 17 saksak ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na naging dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.
Hindi naman inabutan ng mga suspek ang kasama ng nasawi na nakatakbo at nagtago umano sa masukal na bahagi ng bukirin.
Ayon kay Salang, baguhan sa lugar ang dalawang biktima na nagtatrabaho sa isang itikan.
Nagalit umano ang mga suspek dahil sa maingay na tambutso ng motorsiklo ng mga biktima.
Bago ang insidente, nagkaroon na rin umano ng komprontasyon sa pagitan ng dalawang panig.
Naaresto naman ang apat na suspek na kinabibilangan ng isang 18-anyos, dalawang 17-anyos, at isang 14-anyos.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Capas Police Station ang 18-anyos na suspek na kinasuhan ng murder.
Kinasuhan din ang dalawang 17-anyos na suspek at nasa kustodiya na ng DSWD.
Hindi naman nakasuhan ang 14-anyos na suspek.

Share.