Sumaludo ang netizens sa kabayanihan ng isang pulis nang tulungang manganak ang isang ginang sa gilid ng kalsada noong Linggo, Setyembre 6.
Sa Facebook post ng pulis na si Roselindo Delima, ibinahagi niyang katatapos lang ng duty niya noong mga oras na madaanan niya sa tapat ng kaniyang bahay ang ginang na nanghihintay ng masasakyan dahil malapit na itong manganak.
Aniya, sa tulong ng isa pang residenteng kinilala niyang si “Goldy Sabanal Villagracia,” sa gilid na rin daw ng kalsadang kinatatayuan pinaanak ang ginang dahil wala na raw dumadaang sasakyan at baka malaglag ang sanggol.
“Habang pauwi ako ng bahay dahil katatapos lang ng duty ko, nadaanan ko sila sa tapat ng bahay namin na naghihintay ng masasakyan dahil manganganak na si Mommy. Kaya ang ginawa namin ni Tita Goldy Sabanal Villagracia, doon na lang mismo namin pinalabas si Baby. Alanganin na kasi kung isasakay pa, wala nang oras at baka malaglag si Baby,” kuwento ni Delima.
Sa kabutihang palad, ibinahagi ni Delima na naging matagumpay ang pagpapaanak at ligtas ang mag-ina.
Saad pa ni Delima, bagama’t napuno ng dugo ng ginang at sanggol ang suot niyang uniform mula sa pagpapaanak, ligtas nilang nadala ang mag-ina sa ospital.
“Kaya Lord, thank You po at ligtas po ang mag-ina. Kahit punong-puno po ng dugo nina Mommy at Baby ang uniform ko, ligtas pa rin po naming nadala sa ospital ang mag-ina. Maituturing po itong malaking blessing sa buhay,” ani Delima.
Sa pagtatapos ng post, hiling ni Delima na lumaking mabuti, magalang, at mapagmahal na bata ang sanggol sa mga magulang niya.
“Nawa’y dalangin ko, Baby, maging mabuti, magalang at mapagmahal ka sa mga magulang mo. Balang araw, makikita mo itong post ko na minsan may isang mamang pulis na naglingkod sa iyo,” hiling ni Delima.

