Umabot na sa 81 indibidwal ang naitalang nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Mindanao noong Hunyo 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon pa sa datos ng NDRRMC nitong Biyernes, Hunyo 26, tinatayang 31 katao pa ang patuloy na pinaghahanap.
Aabot naman sa 382,269 pamilya o 1,633,161 indibidwal sa 620 barangay sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng lindol.
Naiulat din ang 1,315 nasugatan, bagama’t patuloy pa ang beripikasyon ng karamihan sa mga kasong ito.
Nasa 86,919 katao ang bilang ng mga lumikas, kabilang ang 23,568 indibidwal na nasa 63 evacuation centers habang 63,351 naman ang pansamantalang nananatili sa ibang lugar.
=====

Share.