Umaabot sa 81 kabahayan na gawa sa mahihinang uri ng materyales ang nawasak, nabuwal ang mga punong kahoy at poste ng kuryente nang manalasa ang isang malakas na buhawi sa lungsod ng Iloilo nitong Sabado ng gabi.

Sa ulat ng Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) kabilang sa naapektuhan ng pagtama ng buhawi ang Mandurrio, Jaro at La Paz Districts pawang sa lungsod.

Sa pahayag ng mga residente bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na ugong at kasunod nito nanalasa ang buhawi sa mga kabahayan sa nasabing lugar.

Bukod sa mga nawasak na kabahayan, nagtumbahan din ang mga poste ng kuryente, nabuwal ang mga puno at nagliparan ang mga yero gayundin nagkalat ang mga paninda ng mga vendors.

Nasa 81 pamilya ang naapektuhan sa insidente na nawasak at nagtamo ng pinsala ang kanilang mga bahay.

Pinayuhan naman ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas ang mga residente sa lungsod na maging alerto sa lahat ng oras.

Nagsasagawa na ng clearing operations ang pinagsanib na elemento ng pamahalaang lungsod ng Iloilo, Bureu of Fire Protection (BFP) at Police Regional Office (PRO) 6 gayundin ang MORE Power para maibalik ang supply ng kuryente.

Share.
Exit mobile version