Nasagip ng Coast Guard at mga tauhan ng MDRRMO ang walong katao matapos lumubog ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatan ng Barangay Punta, Looc, Romblon noong Sabado ng gabi.
Kabilang sa mga nailigtas ang 54-anyos na mangingisdang operator ng bangka at pitong tripulante ng LCT PMI-3 na kasalukuyang nakahimpil sa Looc Bay.
Ayon sa paunang imbestigasyon, dakong alas 7:00 ng gabi, nanggaling sa Poblacion ang pitong tripulante upang bumili ng mga kinakailangang suplay para sa kanilang barko.
Habang pabalik sa kanilang bangka hinampas ng malalakas na alon ang sasakayan na naging dahilan ng pagpasok ng tubig hanggang sa tuluyan itong lumubog.
Mabilis namang nakatugon ang mga awtoridad sa isinagawang rescue operation kaya walang naitalang nasaktan sa walong pasahero.

