Aabot sa 240,550 ilegal na vape products ang sinira ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang waste management facility sa Porac, Pampanga.
Ayon sa BIR nitong Martes, Setyembre 1, isinagawa ang destruction activity sa DIGAMA Waste Management Facility noong Agosto 24.
Ang mga winasak na nakumpiskang vape products ay maroon umanong tax liability na aabot sa tinatayang P1.539 bilyon.
Kabilang umano rito ang mga nasamsam sa operasyon laban sa Tap Fog Philippines, na tinukoy ng BIR bilang pinakamalaking single illicit vape enforcement operation na isinagawa ng ahensya.
Layunin naman umano ng pagsira ng BIR sa mga ilegal na produkto na labanan ang ilegal na kalakalan ng vape products upang maprotektahan ang kita ng gobyerno at mga negosyong sumusunod sa batas.

