Nasawi ang dalawang lalaking Moro sa pananambang sa Barangay Campo, Paglat, Maguindanao del Sur nitong Lunes ng hapon, Setyembre 7.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ebrahim Mamalinta at ang kanyang kamag-anak na si Marquez Mamalinta.

Sinabi ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region spokesperson Captain Steffie Salanguit, na magkasamang sakay ng motorsiklo ang mga biktima nang tambangan ng mga armadong lalaki sa isang residential area sa Barangay Campo.

Kapwa agad nasawi ang mga Mamalinta dahil sa maraming tama ng bala na tinamo sa pag-atake.

Agad namang tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo, at iniwan ang dalawang biktima na nakabulagta at wala nang buhay.

Ayon kay Salanguit, nakikipagtulungan ang mga imbestigador ng Paglat Municipal Police Station, mga lokal na opisyal ng Paglat at mga Moro datu sa bayan upang matukoy ang mga pumatay sa mga Mamalinta at mapanagot ang mga ito sa batas.

Sinabi naman ng mga kamag-anak ng dalawang biktima, na naniniwala silang maaaring may kaugnayan ang krimen sa matagal nang alitan sa pagitan ng dalawang biktima at ng kanilang mga salarin. Tumanggi naman silang magbigay ng karagdagang detalye. 

Share.
Exit mobile version