Sugatan ang dalawang Grade 12 student nang pagsaksakin ng dalawang estudyante sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) sa Himamaylan City, Negros Occidental.
Ayon sa mga awtoridad, nangyari ang insidente sa labas ng isang paaralan sa Barangay Aguisan habang lunch break noong Martes, Agosto 12.
Nagsimula ang insidente nang komprontahin ng isang 15-anyos na estudyante ang 17-anyos na biktima kaugnay ng naunang gulo na kinasangkutan umano ng kanyang nakababatang kapatid.
Matapos ang pagtatalo at suntukan, sinaksak umano ng 14-anyos na kapatid ng suspek ang biktima gamit ang ballpen, habang nasugatan din ang 16-anyos nitong kasama nang makialam upang awatin ang gulo.
Isinugod sa ospital ang mas matandang biktima matapos tamaan sa leeg, dibdib at likod.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng DSWD ang mga sangkot habang hinihintay ang desisyon ng mga pamilya tungkol sa posibleng pagsasampa ng kaso.
Samantala, pinaigting na ng pulisya at paaralan ang seguridad at monitoring sa lugar.
====

Share.