Arestado ang 17 katao sa isinagawang tuloy-tuloy na operasyon ng Tanza Municipal Police Station laban sa mga loose firearm at ilegal na aktibidad sa Pabahay, Barangay Bagtas, Tanza, Cavite nitong Linggo, Agosto 16.
Pinangunahan ni PLt. Col. Chester Borlongan, hepe ng Tanza MPS, ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng 27 sachet ng hinihinalang bawal na gamot na tumitimbang ng 65 gramo at nagkakahalaga ng tinatayang P442,000.
Nakuha rin sa mga suspek ang tatlong kalibre .45 na armas, mga bala, at isang pang kalibre .38 revolver.
Kabilang sa 17 na naaresto ang ilang indibidwal na nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 habang ang ilan ay nahaharap din sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nasa kustodiya na ng Tanza PNP ang mga naaresto habang ipinadala sa Crime Laboratory ang mga nakumpiskang armas at hinihinalang bawal na gamot para sa pagsusuri at beripikasyon.

Share.