Kusang-loob na isinuko ng labing-isang indibidwal mula sa mga bayan ng Marogong at Lumbatan, Lanao del Sur ang iba’t-ibang matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog sa isinagawang aktibidad ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army kamakalawa sa Brgy. Matalin, Malabang, Lanao del Sur, ayon sa ulat ng Catholic Station DXMS sa Cotabato City nitong Biyernes, May 22.
Ayon sa DXMS, matagumpay na pinangasiwaan ng joint intelligence operatives sa ilalim ng pamumuno ni 101st Brigade Commander BGen. Yasser Bara, ang boluntaryong pagsuko ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma.
Kabilang sa mga isinuko ang 167 piraso ng hand grenades, isang M14 rifle, dalawang Garand rifles, isang carbine rifle, mga magazine, clips, at sari-saring mga bala.
Sinabi ng mga sumuko na nais na nilang mamuhay nang mapayapa at lumayo sa karahasan. Isa sa kanila ang nagpahayag na nais nilang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad.
Nagpahayag din ang mga ito ng kahandaang sumali sa recruitment program ng Citizen Armed Force Geographical Unit Active Auxiliary o CAFGU Active Auxiliary o CAA upang maging mas produktibong mamamayan at makatulong sa pagsusulong ng kapayapaan, seguridad, at pagkakaisa sa kanilang lugar.
Samantala, pinasalamatan ni Bara ang mga indibidwal sa kanilang desisyong magbalik-loob sa pamahalaan at suportahan ang mga hakbang para sa kapayapaan.
Hinikayat din niya ang mga ito na maging katuwang sa pagpapanatili ng seguridad at kaunlaran sa kanilang mga komunidad.
Trending
- Cristine Reyes engaged na sa dating NYC chairperson
- Ruffa Gutierrez pahinga muna sa dyowa
- Beauty queen duguan ang mukha nang atakihin ng stylist sa Cannes Film Festival
- Eala at Tjen nagdala ng ‘pagmamalaki’ sa Timog-Silangang Asya sa Roland Garros
- PSC at Lungsod ng Maynila, nananatiling magkaisa sa muling pagpapaunlad ng Rizal Memorial
- BINI pinarangalan sa Kamara
- Sam Verzosa spotted kasama si Faith da Silva
- Kylie Padilla nabawasan na ang angas, tapang dahil sa 2 anak
